Paraang Pinoy Kontra-Sakit

Rodolfo Desuasido in Health

Jan 03, 20203 min Read

First of a Health Series:

Nakapagtataka na napakaraming Pilipino ang nagkakasakit at namamatay sa iba’t- ibang uri ng sakit taun-taon. Kung tutuusin, dahil sa napakaraming halaman at herbals sa ating paligid—pampalusog man sa katawan o pampagaling ng sakit, gaano man ito kalubha—wala dapat masyadong dahilan upang ang Filipino ay magkaroon ng malubhang sakit .

Ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer (Enero 9, 2018), ang Pilipinas ay itinuturing na “diabetes hotspot” sa buong Western Pacific o Kanlurang Pasipiko—dahil ang mga kaso ng diabetes sa Pilipinas ay nasa antas na ng epidemya! Noong 2017, alam niyo bang 50,000 Pilipino ang namatay dahil sa mga kumplikasyon ng diabetes?

Ang taong may diabetes ay nanganganib na magkaroon din ng sakit sa puso, atay, at bato. Ang tatlong vital organs na ito ay laging apektado ng diabetes. Ang taong may diabetes ay nanganganib ding mabulag dahil namamaga ang optic fibers nito bunga ng mataas na asukal sa dugo. Delikadong masugatan sa paa o sa binti ang may diabetes dahil ang sugat ay hindi gumagaling. Sa halip, ito ay nagnanaknak at nauuwi sa gangrene o kanser, at kailangang putulin ang paa o binti upang huwag kumalat ang gangrene.

Bukod sa diabetes, may lima pang pinakamalulubhang sakit na pumapatay sa mga Pilipino. Una rito ang sakit sa puso. Sa Pilipinas, 17% ay namamatay taun-taon ay dahil sa sakit sa puso. Ibig sabihin nito, tumaas ang konsumo natin sa asukal! Tulad sa Amerika, tumaas din ang bilang ng mga Amerikanong namamatay sa sakit sa puso nang tumaas ang konsumo nila sa asukal. Me isang saliksik na nagpatunay nito—asukal talaga ang pasimuno. Sa Amerika ay masyadong nauso ang matatamis na pagkain—tulad ng tsokolate, ice cream, at sopdrinks.

Ang sumunod na sanhi ng kamatayan ng maraming Pinoy ay hypertension. Ayon sa WHO, 14 na milyong Pilipino ang may alta presyon sa kasalukuyan. Kaya ang ikatlong nakakamatay na sakit ay ang stroke. Aabot daw sa 12.14% o 63,281 Pinoy ang namamatay sa stroke taun-taon.

Ikaapat na malubhang sakit ng mga Pinoy ay pneumonia o pulmonya. Aabot 10% sa mga namamatay taun-taon ay dahil dito.

Panlimang malubhang sakit ay breast cancer o kanser sa suso. Ito ang pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga babaeng Pinoy. Sa 197 bansa sa buong mundo, pinakamarami daw ang kaso ng breast cancer sa Pilipinas. Sa loob ng nagdaang 30 taon, ang kaso ng breast cancer sa Pilipinas ay tumaas ng 589%! Patuloy pa ring ang saliksik ng mga dalubhasa ang dahilan kung bakit ganito ang kaso ng breast cancer sa Pilipinas.

Pero hindi dapat sukdulang problema ng mga Pinoy ang mga malulubhang sakit na ito. Sapagkat nasa paligid lang natin ang mga halaman at herbals na makapipigil o makagagaling sa mga sakit na ito. Sa mga susunod na serye, tutukuyin po natin ang mga halaman at herbals na ito. Isa-isahin natin silang tatalakayin. Aalamin natin ang bawat katangian at ang mga benepisyong dulot sa kalusugan.

Bilang pauna, banggitin na natin ang ilan sa mga ito—karaniwan  ay nakikita lamang sa mga likod-bahay o mga bakuran. Nariyan ang malunggay, kilala rin bilang moringa—ang binansagang mahimalang halaman. Nariyan din ang oregano, mga nakagagamot na damo—tulad ng paragis—na tumutubo lang sa tabing kalsada. Ang damong serpentina—na sampung ulit ang pait kaysa sa ampalaya—diumano’y nakagagamot din ng kanser.

Halos araw-araw nating nakakatagpo ang kamote—ang talbos-kamote at lamang-ugat ng kamote, kilala bilang sweet potato. Alam niyo bang itinuturing ito na isa sa sampung pinakamalusog at pinakamasustansyang pagkain sa buong mundo? Nakakatawa, pero ditto sa Pilipinas, minamaliit lang at halos hindi pansinin ng mga tao! Abangan po ninyo ang pagtalakay ng mga ito—dito lang sa ANG PINOY!  Subaybayan ang marami pang paksa hinggil sa ating kalusugan. WALANG DAPAT DAHILAN PARA MAGKASAKIT! (May karugtong po ang seryeng ito).


It will make our day if you share this post 😊