Gamot na anti-dengue, lalabas na
Rodolfo Desuasido in Health
Jan 06, 2020 • 2 min Read
Isang masayang balita! Kailan lang, me isang grupo ng mga Pilipinong mananaliksik ang nakalikha ng gamot laban sa dengue. Ang dengue ay sakit na dulot ng kagat ng lamok at naging sanhi ng kamatayan ng maraming bata sa Pilipinas noong 2019. Ang gamot na ito—ayon sa isang blog ng Tropical Paradise in Your Backyard, na lumabas noong Disyembre 22, 2019—ay kauna-unahan sa buong mundo at maaari nang mabili sa mga botika nitong 2020.
Matatandaan na noong Augosto 2019, nagdeklara ang Department of Health (DOH) ng national dengue epidemic, isang buwan lang pagkatapos magdeklara ng national dengue alert. Mula Enero 1 hanggang Hulyo 20, 2019, nagkaroon ng 146,062 kaso ng dengue, at 622 dito ay nauwi sa pagkamatay. Ito ay 98% na mas mataas kaysa sa 2018, ayon sa DOH.
Ayon kay Dr. Rita Grace Alvero, na siyang lumikha ng gamot—sa tulong ng grupo ng mga researchers— pagkatapos ng 7 taon na walang tigil na pananaliksisk, hindi ito bakuna at hindi din herbal supplement, kundi “gamot na may bisa laban sa virus ng dengue.” Ang gamot ay nalikha sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST), sa pagtutulungan ng Pharmalytics Corporation, at ng De La Salle Medical and Health Sciences Institute.
Ang Pharmalytics Corp. ay naglunsad ng programang Dengue Herbal Drug Clinical Trial, at ang lider nito ay si Dr. Rita Alvero. Ang gamot diumano ay may tatlong sangkap galing sa mga local na halaman at hindi muna opisyal na ihinahayag.
Samantala, inihayag ng Department of Science and Technology at ng Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) na sila ay naglunsad ng programang “Tuklas-Lunas” upang mapababa ang presyo ng mga gamot at mabilis na mapaabot sa mga tao ang serbisyong medical. Ang Tuklas-Lunas ay itinayo upang lumikha ng mga maasahan at abot-kayang gamot na hinango mula sa sarili nating mga halaman at sangkap.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, layunin ng programa na mapababa ang presyo ng mga gamot upang maibsan ang maraming bilang ng mga Pilipinong namamatay dahil sa kakulangan ng gamot at alagang pangkalusugan.
Dahil sa programang ito, marami nang komunidad ang gumagamit ng mga halamang matatagpuan sa kanilang paligid. Ito din ang naging batayan ng programang Tuklas-Lunas upang likhain ang mga gamot galing sa lagundi at sambong, sa ilalim ng National Integrated Research Program on Medicinal Plants (NIRPROMP).
Sa ngayon, 28 Tuklas-Lunas Center na ang naitayo sa buong bansa. Ang mga ito’y lilikha ng sari-saring gamot na tutugon sa kalusugan ng mga Pilipino laluna doon sa mga nakatira sa malalayong lugar na hindi agarang abot ng serbisyong medikal.
Samantala, ang UP Manila, UP Diliman, Pharmalytics Corporation, Herbanext Laboratories, at ang Pascual Laboratories, Inc. ay nakatutok ngayun sa pagtuklas ng standardized dosage forms mula sa 28 na halaman bilang gamot na anti-inflammatory, anti-diabetic, anti-gout, at anti-hypertensive.
Ang ganitong pananaliksik ay priority areas ng National Unified Health Research Agenda (NUHRA) at ng Harmonized National Health Research and Development Agenda (HNRDA).