Ang Mahimalang Malunggay

Rodolfo Desuasido in Health

Jan 16, 20203 min Read

2nd Part of Paraang Pinoy Kontra Sakit

Tulad ng nabanggit natin sa unang seryeng pangkalusugan, maraming paraan na pwedeng gawin ng mga Pinoy para umiwas sa malubhang sakit. Sa paligid lang natin, abot-kamay lang ang mga halamang ito.  

Unahin Natin Ang Mahimalang Malunggay.

Ang halamang ito ay kilala sa buong mundo sa tawag na moringa. Kinikilala din bilang masustansyang pagkain o superfood. Ang mga dalubhasa sa medisina—kabilang ang pharmacologists (gumagawa ng gamot), nutritionists, tradisyonal na doctor, alternatibong doctor, herbalists, pati beauty advocates, at iba pa—ay matindi ang paghanga sa malunggay. Kaya nga minsan binansagan itong mahimala—hindi lang sa dami ng sustansya nito kundi dahil sa benepisyong dulot dito—bata ka man o matanda, mataba o payat, malusog o sakitin.

Sagana Sa Sustansya

Ang malunggay ay puno ng sustansya. Bata pa tayo ay lagi nang sinasabi yan sa atin ng mga matatanda.  Ayon sa pananaliksik, ito ay nagbibigay sa atin ng iron, calcium, vitamin C, vitamin B6, at riboflavin. Sagana rin ito sa potassium, vitamin A, vitamin E, at magnesium. Alam niyo bang ang malunggay ay mas mayaman pa sa vitamin C kaysa sa mga kahel o orange?

Malawak ang mga benepisyong kayang idulot ng malunggay—mula sa malinaw na mata, malakas na immune system, matibay na buto, hanggang sa makinis at maningning na balat.

Kung ikaw ay nagbabawas sa pagkain ng karne para bumaba ang iyong kolesterol, huwag ka kabahang mababawasan ka ng protina—basta lagi ka lang kumain ng malunggay. Bukod pa dyan, hindi papayat ang iyong mga masel sapagkat ang malunggay ay siksik sa protina!

Bawas sa Stress; Pampasigla sa Sex

Ang stress ay sanhi ng unhealthy lifestyle. Maari itong dahilan ng malubhang sakit at kawalang gana sa sex. Ang sex ay mabuti sa kalusugan dahil pinalalakas nito ang daloy ng dugo sa katawan. Dahil pinapababa ng malunggay ang stress, pinapataas nito ang produksyon ng hormones, tulad ng testosterone o sex hormone. Pinatunayan ito ng isang pag-aaral na inilabas ng mga dalubhasa.

Samakatuwid, ang malunggay ay may kakayahang balansehin ang hormones.

Mainam sa Menopause

Ang hormonal imbalance ay karaniwang problema ng mga babaeng nasa edad na ng menopause. Sa isang pag-aaral na nalathala sa Journal of Food and Science Technology, ito ay kanilang natuklasan: Ang mga babaeng nagme-menopause na kumain ng magkahalong pinulbos na dahon ng malunggay at pinulbos na dahon ng amaranth—sa loob ng 3 buwan—ay nagkaroon ng ganitong pagbabago: (i) bumaba ang kanilang oxidative stress, (ii) gumanda ang balance ng asukal sa kanilang dugo, at (iii) tumaas ang antas ng kanilang hemoglobin. Ito’y mga palatandaan na naging balanse na ang kanilang hormones. At dahil dito maaaring gumanda na rin ang kanilang enerhiya, pagtulog, at pagtunaw ng pagkain.

Mainam sa Diabetic, Pampasigla ng Atay, Atbp.

Binabalanse rin ng malunggay ang asukal sa dugo kaya ito ay mainam sa diabetics. Dahil sa taglay nitong fiber, pinalalakas nito ang panunaw bukod sa pinadadami nito ang mabubuting bakterya sa ating bituka.

Ang malunggay ay nangangalaga din sa atay. Bukod sa nililinis nito ang atay at sinasala ang dugo, kinakalaban din nito ang mga free radicals, kung kaya’t ito ay mainam na pangontra sa kanser.  Dahil nilulunasan nito ang mga pamamaga sa loob ng katawan, nakakatulong din ito sa mga sakit tulad ng sore throat, hepatitis, prostitis, at iba pang pamamaga. 

Pinalalakas din ng malunggay ang utak dahil sa mataas na taglay nitong vitamin C at E. Pinipigilan ng mga ito ang oxidative stress ng matatanda—na siyang sanhi ng Alzheimer’s disease at dementia.


It will make our day if you share this post 😊