Kagila-Gilalas Na Bisa Ng Luyang Dilaw

Rodolfo Desuasido in Health

Feb 09, 20203 min Read

Ang luyang dilaw ay isa sa karaniwang pananim ng mga magsasaka sa Pilipinas. Kilala din ito sa buong mundo bilang turmeric. Saan ba galing ang turmeric? Ang karaniwang anyo ng turmeric na alam ng mga tao ay pulbos na dilaw, sapagkat iyan ang turmeric na karaniwang nabibili sa mga palengke o supermarket.

Pero alam niyo ba na ang turmeric ay libong taon nang ginagamit bilang gamot sa maraming lugar sa mundo?

Sinaunang gamot ng mundo

Dahil sa mga kagila-gilalas na sangkap nito, ito ay malawakang gamit sa medisinang ayurvedic ng bansang India. Kahit sa lumang Ehipto, ito ay ginagamit ng mga doktor upang linisin ang lason sa dugo ng mga nagkakasakit na hari o paraon. Maging sa lumang Tsina, ang turmeric ay ginagamit din bilang panlaban sa maraming uri ng sakit.

Pagsapit ng makabagong medisina, humina ang popularidad ng turmeric bilang gamot dahil ang mga makabagong doctor ay nahirati sa pagrereseta ng mga gamot at pildoras na gawa ng mga malalaki at multinational na parmasyotikong kumpanya.

Panlaban sa mga lason sa kapaligiran

Dahil sa makabagong lipunan, nagsulputan din ang libu-libong uri ng lason sa paligid. Tinataya na may 42,000 uri ng lason na nasasagap ng mga tao mula sa kapaligiran. Ang mga lason na ito ay mula sa usok ng mga planta ng kuryente, usok ng sasakyan, mga pestisidyo sa sakahan, mga kemikal na pataba sa halaman, mga kemikal na karaniwang gamit sa bahay tulad spray laban sa lamok, langaw at ipis, at mga kemikal na inihahalo  ng mga kumpanya sa mga pagkain. Lahat ng mga lason na iyan ay nasasagap ng mga tao, at agaran man o sa katagalan, lahat ng ito ay nagiging sanhi ng napakaraming sakit.

Sa kabutihang palad, kahit ang mundo’y nalambungan na ng makabagong medisina, ang luyang dilaw ay naririyan pa rin upang iligtas ang mga tao sa mga sakit na dulot ng makabagong kabihasnan.

Mga benepisyo ng turmeric

Sa aklat na Turmeric: The Ayurvedic Spice of Life, ninaDavid Frawley at Prashanti De Heger, tinukoy nila ang ilan sa mga kagila-gilalas na benepisyo ng turmeric sa kalusugan ng tao.

Kabilang dito ang mga sumusunod: pamatay sa bakterya, virus at fungus; pangontra sa kanser at tumor; pangontra sa pamamaga sa loob ng katawan tulad tonsillitis, hepatitis, prostitis, at iba pang sakit na dulot ng pamamaga; pangontra sa allergy tulad ng hika;  gamot sa pananakit ng kalamnan; pangontra sa lason sa dugo; gamot sa ulser; at mga iba pa.

Paraan ng paggamit

Ang pinakamahalagang sangkap ng turmeric ay ang curcumin. Kung wala ito, bale-wala ang turmeric dahil hindi agad ito na-a-absorb sa katawan. Upang maging kapaki-pakinabang ang turmeric, budburan ng kaunting pulbos ng pamintang itim ang iyong turmeric tea. Magandang haluan din ng konting virgin coconut oil at konting katas ng lemon. Kung iinom araw-araw ng turmeric tea, maiiwasan ang samu’t-saring pamamaga sa loob ng katawan, mga sakit sa kasu-kasuan, at iba pa. Sa Batanes, ang “yellow rice”—isang espesyal na luto ng kanin ng mga Ivatan—ay luto sa katas ng luyang dilaw. Bukod sa pulbos na turmeric, maaari ding pakuluan ang sariwang luyang dilaw, inumin bilang tsaa, o kaya ay ihalo sa iba’t ibang putahe gaya ng chicken curry, o maging sa sinangag.


It will make our day if you share this post 😊