Sampung Salitang Filipino Na Kay Sarap Pakinggan

Dennis Christian Hilanga in Ang Pinoy Stories

Aug 22, 20203 min Read

Pagkakakilanlan ng bawat bansa ang sariling nitong wika. Hindi lamang ito bahagi ng kultura kundi dugo ring nagbubuklod sa mga mamamayan. Sa Pilipinas, may iba’t ibang lengguwahe at dayalekto. Pinapaganda at pinapayabong nito ang wikang Filipino.

Noong 2019, kinilala ang wikang Filipino bilang “sexiest accent” sa Asya at ika-21 naman sa buong mundo, ayon sa travel website na Big 7 Travel.

Bakit nga naman hindi? Napakaraming salitang Filipino na napakasarap pakinggan na para bang hinaharana o idinuduyan ka sa tuwing ito’y mapakikinggan.

Ngayon ay buwan ng Agosto at ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika — isang dakilang ambag ni dating pangulong Manuel L. Quezon, ang tinuturing na Ama ng Wikang Pambansa.

Narito ang 10 mabulaklak na salitang Filipino na tunay na yaman ng bawat Pinoy at nagbibigay ng inspirasyon dahil sa positibong kahulugan ng mga ito.

1. Tadhana

Tinutukoy nito ang isang bagay na nakatakdang mangyari nang hindi kinokontrol o sinasadya. Kadalasan, ang tadhana ay iniuugnay sa isang taong magiging kabiyak ng puso o kaya’y sa magiging kapalaran ng buhay. Para sa marami, ang Maykapal ang may hawak ng ating tadhana.

2. Alapaap

Maihahambing ito sa kalangitan o kaulapan. Kung sa lalim ng depinisyon nito, ang alapaap ay ang pag-abot sa tagumpay. Pamagat ito ng kanta ng Eraserheads kung saan maririnig ang mga lirikong “masdan mo aking mata hindi mo ba nakikita ako ngayo’y lumilipad at nasa alapaap na.”

3. Tahanan

Hindi lang ang pisikal na istruktura ng bahay ang kahulugan nito. Sa mas malalim na aspeto, ang tahanan ay ang pamilyang masayang nagmamahalan at nagkakaisang humaharap sa mga pagsubok. Tahanan din ang mga taong itinuturing na pamilya kahit hindi kadugo kagaya ng mga kaibigan.

4. Bahaghari

Kasingkulay ng kahulugan nito ang taglay nitong mga kulay. Madalas na masisilayan ang bahaghari pagkatapos ng ulan kung saan ipinakikita na laging may liwanag kahit pa magdilim. Simbolo ng pag-asa ang bahaghari, na lilipas din ang bawat bagyo sa buhay ng tao.

5. Indak

Sayaw ang mas mababaw na kahulugan nito. Tinutukoy ng indak ang pagsabay sa saliw ng musika na puno ng sigla at mas may puso. Kung napakaganda ng musika, hindi ba’t nakaiindak naman talaga?

6. Dalisay

Puro at malinis ang pinakamalapit na depinisyon ng dalisay. Kalimitan itong ikinakabit sa hangarin o intensyon na totoo at walang halong pagsisinungaling. Ang mga taong tapat sa kanilang sinumpaan ay mayroong dalisay na puso para maisakatuparan ang kanilang layunin.

7. Ligaya

Katumbas nito ang labis na saya o tuwa. Walang makapapantay sa galak kapag ligaya ang nadarama kapag natupad ang pangarap na matagal nang minimithi. Tunay na ligaya ang lasapin ang sarap ng buhay habang nabubuhay.

8. Sinta

Salitang para sa minamahal o isang term of endearment kagaya ng baby, loves at mahal. Sinasabi ito para sa kasintahang tunay na iniibig. Pwede ring gamitin ang sinta para ipahayag ang pagmamahal sa bayan.

9. Bughaw

Sa wikang Ingles, ito ang kulay blue. Kapag sinabing bughaw, hatid nito ang kapanatagan at katahimikan dahil madalas itong iniuugnay sa kulay ng langit at dagat. Ayon sa ilang pag-aaral, nakapagdudulot umano ng positibong epekto sa kalusugan ang bughaw bunsod ng relaxing effect nito. Sa watawat naman ng Pilipinas, sumisimbolo ito sa kapayapaan, katotohanan at hustisya.

10. Malaya

Kung nagagawa mo ang mga bagay na nais mong gawin kagaya ng isang ibong nakalilipad sa himpapawid, ikaw ay malaya. Malaya rin ang isang tao kapag naipapahayag niya ang kanyang damdamin at naipakikita ang tunay niyang pagkatao. Katulad ng wikang Filipino, malaya ang bawat isa na magpakilala sa kabila ng pagkakaiba.

Alin pang pag-ibig kaya ang nakahihigit sa pagmamahal sa sariling bansa at lengguwahe? Wala na, di ba? Wala na.


It will make our day if you share this post 😊