Ang Buhay ni Rapper Ed
Iris Palma in Ang Pinoy Stories
Oct 31, 2020 • 2 min Read
Mula sa ikalawang palapag ng aming bahay sa isang kanto, nakikita ko ang mga tao sa dalawang kalsada at naririnig ko ang mga ingay nila .
May nagbibenta ng gulay sa kariton at nagpapatugtog ng napakalakas at nakakaindak na musika. May sumisigaw ng “Isda, pusit!” May magtataho na suki naming magkakapitbahay at nagbibenta rin ng tokwa. Yung mga nag-uumpukan sa tindahan ng kapitbahay. Pati ang pagdaan ng ambulansya at ng sasakyang pulis. Nakikita at naririnig ko sila araw at gabi.
Pero kakaiba ang isang umaga dahil may narinig ako na bago. May kumakanta ng rap music at kay ganda sa pandinig. Dumungaw ako sa bintana at tumingin sa tindahan ng kapitbahay. May nagrarap nga na lalaki habang tinatanggap ang mga binibili na pagkain.
Patapos na sya mag-perform nang maisipan ko na ipaulit sa kanya ang kanta. Aba, pinagbigyan ako ng isang impromptu na palabas. Kontodo headband at sunglasses, lumapit sya malapit sa bintana ko.
Halos lahat ay nagtatanong doon sa aming bayan
Sa gitnang kanluran na aking pinagmulan
Alam ko pa ang kanta — Ang Buhay Ko ng Asin!
Sila’y nalilito, ba’t daw ako nagkaganito
Kung ano ang dahilan, ako lang ang nakakaalam
At sya ay nag-rap —
Aking panginoon, lumalapit po ako
Sana ay iyong dinggin ang panalangin kong ito
Nagsusumamo po, patawarin nyo ako
Pinagsisisihan ko ang lahat ng nagawa
Nagpakilala ang rapper na si Eduardo Santos, mga trentahin ang edad siguro, at nakatira sa ilalim ng tulay ng San Jose, Rodriguez. Ang laki ng ngiti nya at napangiti na rin ako. Kitang-kita sa mukha namin na pareho kaming nasiyahan sa isang imromptu na palabas.
May lumabas na kapitbahay at nakinood na rin. May dumaan na kotse at nagbagal ng takbo para manood. Pagkatapos nya mag-rap, sabi ni Kuya Ed ay gusto nya rin iparinig ang pangalawang talata ng rap.
Yan ang tangi kong dasal na ito ay matupad
Hiling ko lang sa yo, magtamo ng kaligtasan
Ang bawat isa sa amin, ang aking inaasam
Ang ganda ng lyrics ng rap. Lalong pinaganda ang kanta ng Asin. Panalong-panalo sa himig at lyrics ang rap ni kuya.
Naisip ko tuloy kung sumali ba sya sa rap contest ng barangay namin. Baka sa susunod na taon sasali na sya. Maganda rin pala ang rap pag maayos ang lyrics nito. Version daw ito ng As-Yan Records pero parang binago ni Kuya Ed ang lyrics. Hugot nya siguro ito..
Sandali lang na palabas yun ng isang estranghero pero nakagaan sa araw naming pareho. Ayun tuloy, nag-LSS ako. At kasalanan ni Kuya Ed.