Babaeng may PCOS, nakaramdam ng ordinaryong pananakit ng tiyan; buntis pala at manganganak na
Rose May Pimentel in Ang Pinoy Stories
Jun 04, 2020 • 2 min Read
Sa kabila ng pandemya at krisis na kinakaharap natin ngayon, marami pa ring biyaya at milagro ang ipinagkakaloob sa atin na nagbibigay ng pag-asa sa ating buhay. Isa na rito ang kwento ng mag-asawang Jon at Pia Rapusas na ibinahagi nila sa GMA News.
Sa loob ng pitong taon, tanging hiling ng mag-asawa ang magkaroon ng anak. Si Pia kasi ay hirap magbuntis dahil sa kanyang polycystic ovary syndrome o PCOS, isang kondisyong nakaaapekto sa hormones ng mga babae. At sa gitna ng krisis, isang regalo ang gumulat sa kanila, biniyayaan silang mag-asawa ng magandang sorpresa.
Laking gulat ni Jon at Pia nang malamang nagdadadalang-tao pala ang misis at ang simpleng check-up dahil sa pananakit ng tiyan ay mauuwi na sa panganganak agad. Walang kaalam-alam sina Jon na buntis pala ang misis sa loob ng 38 na linggo o katumbas ng siyam na buwan. Mayo 6 nang makaramdam ng pananakit ng tiyan si Pia, akala nito ay dysmennorhea lamang hanggang umabot nang dalawang araw at hindi na siya pinatulog ng pananakit na ito. Doon na naisip nilang mag-pregnancy test dahil baka umano siya ay buntis at tuwang-tuwa sila nang malamang nagdadalang-tao si Pia.
Para kumpirmahin ang kalagayan ng pagbubuntis, nagdesisyon silang komunsulta sa doktor noong Mayo 8. Laking gulat din ng doktor nang malamang 38 weeks na palang buntis si Pia at manganganak na ito.
At doon sa ospital, isinilang ang malusog na baby boy at pinangalanan itong Isaiah tulad nang hiniling nila noon.
Hindi makapaniwala ang mag-asawa na ang akala nilang pagbubuntis pa lamang ay manganganak na pala sa araw na iyon. Para kina Pia at Jon, si baby Isaiah ang pinakamagandang nangyari sa buhay nila.
“Ang galing ni Lord. All glory to Him for this miracle sa buhay naming mag-asawa. At sa amin talaga ginawa ano. Kay Jon at Pia Rapusas nangyari itong kuwentong ito,” pahayag ni Pia.
Photo Source: FB of Jonathan and Pia Rapusas