Ano ang CoronaVirus at Paano Ito Maiiwasan?
Rose May Pimentel in Health
May 02, 2020 • 2 min Read
Ang coronavirus disease (COVID-19) ay isang nakahahawang sakit na dulot ng bagong coronavirus. Karamihan sa mga taong nagkakaroon ng impeksyon ay nakararanas ng hindi malalang sintomas at hindi namamalayang mayroon na pala itong sakit. Ngunit ang iba naman ay nakararanas ng malubhang sakit, lalo na sa mga matatanda at mga may dati nang karamdaman.
Base sa World Health Organization (WHO), ang incubation period o ang panahon sa pagitan ng pagka-expose at sa unang paglabas ng sintomas para sa COVID-19 ay mula isa (1) hanggang labingdalawa’t kalahating (12.5) araw. Sa COVID-19, inirerekomenda ng WHO na i-monitor ng 14 na araw ang mga may kumpirmadong kaso.
Ang COVID 19 ay naipapasa ng tao-sa-tao sa pamamagitan ng pagsagap ng mga malilit na talsik ng laway mula sa pagsasalita, pagbahing, o pag-ubo ng isang taong mayroon nito. Ito ay karaniwang nangyayari sa mga taong may malapitang pakikisalamuha sa may sakit – tulad ng mga kapamilya at healthcare workers kaya mariing pinapayo na panatilihin ang isang metrong layo sa mga taong may sintomas upang di mahawa kapag ito umubo at bumahing.
Base sa WHO, ang mga karaniwang sintomas na dulot ng COVID-19 ay lagnat, pagkapagod, at dry cough. Ilan sa mga pasyente ay nakararanas ng sipon at baradong ilong, sore throat, o diarrhea. Habang isa (1) lamang sa anim (6) na pasyente ang nagkakaroon ng hirap sa paghinga at nagiging malubha ang kalagayan.
Ang mga sumusunod ay pitong simpleng hakbang mula sa WHO upang maprotektahan ang sarili at ang iba laban sa COVID-19.
1. Hugasan nang madalas ang iyong mga kamay. Ang paghuhugas ng kamay ang pinakaepektibong paraan upang maiwasan ang lahat ng virus infection kasama na ang COVID-19. Gumamit ng alcohol-based sanitizer kung walang sabon at tubig.
2. Iwasan ang paghawak sa iyong mga mata, ilong at bibig.
3. Takpan ang iyong bibig kapag umuubo at bumabahing at para sigurado, gumamit ng mask.
4. Iwasan ang matataong lugar at malapit na pakikisalamuha sa mga taong may lagnat o ubo.
5. Manatili sa bahay kung ikaw ay may sakit.
6. Kung ikaw ay may lagnat, ubo at hirap sa pag-hinga, magpakonsulta agad – ngunit tawagan mo muna ang health facility na malapit sa iyong lugar.
7. Kumuha ng tamang impormasyon sa mapagkakatiwalaang awtoridad.
Normal lamang ang makaramdam ng pagkabahala dahil sa kasalukuyang paglaganap ng COVID-19 sa ating bansa at sa buong mundo. Ang karamihan sa mga kaso ng COVID-19 (81%) ay mayroong bahagyang mga sintomas lamang, lalo na sa mga bata at young adults. Maliit lamang ang posibilidad na kakailanganing maospital ng mga apektadong pasyente. Sa kabilang banda, siguraduhing proteksyunan ang sarili upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa iyong mga mahal sa buhay at komunidad.