COVID-19 Survivor – PH-5293

Joyce Ann Olindo in Ang Pinoy Stories

May 25, 20202 min Read

Masayang ibinahagi ni Patient 5293 na siya’y negatibo na sa Coronavirus matapos niyang ma- expose sa carriers nito habang nasa trabaho.

Sa exclusive interview ng Ang Pinoy sa frontliner na si Anne, (hindi niya tunay na pangalan) inilahad niya ang kaniyang dinanas noong siya’y mayroon pang COVID-19. Inihayag niya kung paano siya nagpalakas at nagbigay rin ng mensahe sa mga taong patuloy pa ring lumalabag sa quarantine protocols.

Isang nurse si Anne sa ospital na tumatanggap ng COVID at PUI patients. Inamin din niya na siya’y na expose sa co-worker niyang nag positibo kaya inasahan niyang maaari siyang mahawaan.

Isa sa mga sintomas na naramdaman niya ay ang pananakit ng buong katawan na halos hindi na siya makatayo.  Dagdag pa niya,  “Sobrang sakit din ng ulo ko. Parang pinupukpok mas lalo na pag naka faceshield.  Di nawawala sa gamot. Yun lang sintomas ko. Pero nung naconfine ako, dun nangati ang lalamunan ko.”

Tumaas din ang anxiety ni Anne dahil bukod sa matagal na siyang naka-confine, naririnig din niya ang sigaw ng mga kapwa niya pasyente. Ayon pa sa kaniya,  “Naiisip ko dati Nurse ako na nag aalaga ng patient, ngayon ako na mismo ang naging patient.”

Bukod sa pag aalaga ng nurses at doctors, inilahad din niya kung paano siya nagpalakas ng kaniyang pangangatawan.  “Iniiwasan ko mag puyat. Nagpalakas talaga ako nun.  Lahat ng pampalakas ng immune system iniinom ko. Pray lang din ng pray. Pinapalakas din ng mga tao sa paligid ko yung loob ko.  Mabilis ko lang nalabanan yung covid.  Nawala din agad siya sa katawan ko.”

May mensahe rin si Anne sa mga taong hindi sumusunod sa batas,  “Sana itigil na yung biruang nagaganap about sa COVID-19. Madami ng nakuhang buhay dahil duon.  Hindi siya biro.  Magtulungan nalang sana tayo para matapos na to.  Marami ng nahihirapan.  Mag-iingat din lagi at huwag pasaway. Yun lang.”


It will make our day if you share this post 😊