Kabayanihan sa Kabila ng Kahirapan
Thoni Taller in Ang Pinoy Stories
Jun 03, 2020 • 2 min Read
“Walang maliit o malaki na tulong.”
Sa kabila ng napakaraming pagsubok na pinagdadaanan ng bansa dahil sa pandemya, marami sa ating kababayan ang hindi na alam kung saan pa kukuha ng perang pangkain para sa kanilang pamilya. Para sa iba, ang pag-message sa iba’t ibang tao sa facebook kahit hindi nila kakilala ang naging paraan para makahingi ng tulong. Isa na rito si Jovelyn M. Rivas ng Norzagaray, Bulacan at may tatlong anak.
Ayun kay Rona Jane Tobesa Daga, 24, taga-Novaliches, Quezon City at may tatlong taong gulang na anak, hindi sya nagdalawang-isip na tulungan si Jovelyn dahil alam nya ang pakiramdam ng nagigipit.
“Naawa kasi ako dun sa dalawang anak nya, ang papayat sa picture tapos isang taon at dalawang taon palang yung mga bata. May anak din kasi ako tapos naranasan ko din before na halos mabaliw ako sa kakaisip saan ako kukuha ng panggatas ng anak ko. Bilang nanay, alam ko yung pakiramdam nya,” sabi ni Rona.
Dugtong pa nya, ang pinagkuhanan nya ng pera ay ang kita nya sa online selling ng mga beauty products and preloved na mga damit.
“Yung tubo ko lang po sa online business ko yung pinambili ko ng grocery. Kaya ayun lang ang naibigay ko sa kanya. Wala din kasi akong trabaho ngayon.”
Matapos makabili ng mga pangangailangan ng pamilya Rivas, kinuha nya ang kumpletong address at agad humanap ng rider simula Novaliches papuntang Norzagaray, Bulacan. Dahil aabutin ng halagang Php220 ang delivery fee, nagdesisyon si Rona na ipost sa Facebook at makipagtawaran ng presyo ng paghatid. Hindi naman sya binigo ni Gilbert Raz Bojador, 38, taga-Marilao, Bulacan na may Facebook account na Red Soon.
Higit sa apat na kilometro ang layo ni Gilbert sa pick-up point at 31 kilometro naman ang layo ng Novaliches sa Bulacan. Walang kasiguraduhan kung may makukuha siya na booking palabas ng Bulacan pero dahil sa kagustuhan nyang makatulong ay hinatid nya ang groceries.
“Ang first thing na pumasok sa isip ko ay ang need ng family nya,” sabi ni Gilbert
Nang nakarating si Gilbert sa Bulacan at nakita nya ang kalagayan ng pamilya, naging mas lubos ang kaniyang kaligayahan dahil nakatulong sya sa pamilya.
Ang pagtulong sa kapwa sa anumang paraan ay nagbibigay ng pag-asa sa mga tao. Para kay Rona Jane at Red Soon, sapat nang malaman at makita nilang naging masaya ang pamilya ni Jovelyn ng tanggapin ang simpleng tulong na naiabot sa kanila.