Kalagayan ng isang stranded OFW
Joyce Ann Olindo in Ang Pinoy Stories
May 30, 2020 • 2 min Read
“Wala ng pera. Butas na ang bulsa”
Kinuwento ng stranded Overseas Filipino Worker na si Daisy Joy Genon ang kanilang kalagayan ngayon sa tinutuluyang bahay sa Taguig matapos silang abutan ng lockdown.
Noong ika-17 pa ng Marso nakarating si Daisy sa Pinas. Dalawang buwan na rin ang nakalipas at ramdam na ang hirap sa pinansyal kahit sampu 10 sila sa nirerentahan. Inamin ni Daisy na 3 beses pa lamang silang nakatanggap ng ayuda, na naglalaman ng 3 kilong bigas at ilang delata. Sa dami nila sa kasalukuyang tinitirahan, hindi ito sapat.
Tubong Negros Occidental si Daisy na isang Domestic Helper sa Malaysia. Ayon sa kanya, maayos naman ang kaniyang pisikal at mental na kalusugan, ngunit nang tanungin sa kalagayan ng kapwa niya OFW, wala siyang ideya kung ilan na ang nakararanas sa kanila ng depression.
Kasama si Daisy sa Facebook group na “OFW Stranded in Manila.” Marami pa ang stranded OFW na humihingi ng tulong at gabay kung papaano mabilisang makauuwi sa kani-kanilang probinsya. Isang nakababahalang post ang aming nakita nang bisitahin ang FB group na iyon dahil ayon kay Analyn Reyes, muntikan na raw mamatay ang kaniyang kasama. Ayon sa post, “Pa-help na makauwi na kami. Yung kasama namin dito, muntikan na mamatay. Uminom ng maraming gamot sa CR,” dagdag niya pa sa sunod na post, “Baka sa sunod mag bigti na siya.”
Maaalala rin na sa isang balita, may stranded OFW na ang nagpakamatay dahil sa problemang pinansyal nito.
Hindi biro ang dinaranas ng ating mga OFW ngayon dahil bukod sa lungkot na mawalay sa pamilya, takot na mahawaan ng Coronavirus, nawalan din sila ng hanap-buhay at pantustos para sa pamilya at sarili.
Sa ngayon ay hinihintay pa rin ni Daisy ang government assistance na halos dalawang buwan na matapos siyang mag apply. Ayon pa kay Daisy, “mabagal ang proseso ng kanilang pag-uwi dahil parang bulag at bingi raw ang mga opisyales na may hawak sa kanila. Dagdag pa niya, di kami pinapansin. Wala silang pakialam. Hindi ko alam kung ano pa ang pwede gawin para mapansin kami.”
Sa ngayon ay swab test result na lamang ang hinihintay upang tuluyan nang makauwi sa Negros. Nag-aalala rin si Daisy pagdating sa pinansyal dahil baka hindi siya makakuha ng libreng transportation galing sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.
Sa ngayon ay panalangin na lamang ang kinakapitan ni Daisy, “Panalangin po. Mabisang sandata at mabisang pampalakas ng loob. Nakakapagod pong umasa sa tao kasi may limitasyon… bahala na po ang AMA sa kanila at sa ating lahat.”