Maysakit ang Nurse

Iris Palma in Ang Pinoy Stories

May 20, 20205 min Read

Si Alicia de la Cruz ay isang nurse sa Manchester, United Kingdom na naging positive sa sakit na Covid19. Eto ang kanyang salaysay.

April 19, 2020, Linggo. Naging symptomatic si Alicia at may sinat ng 37.8 degrees Celsius. Nagrequest sya ng swab test sa manager nya.

April 21, Martes. Ginawa ang swab test.

April 22, Mierkules. Lumabas ang results. Positive. Inaapoy na siya ng lagnat at hindi bumababa ng 39 degrees ang temperature kahit na round the clock ang inom nya ng paracetamol. Nagsimula na rin ang coughing fit.

Sabi ni Alicia, “Halos mapatid hininga ko sa tindi at haba ng ubo. Ang hirap umubo na wala man lang lumalabas na kahit isang patak na secretion. Nahihirapan na rin ako huminga.”

Ilang beses din siyang tumawag ng 111 (health advice service for non-emergency cases sa UK). Ang advice sa kaniya ay mag-self-isolate at huwag nang pumunta sa doctor’s clinic o sa emergency department. Mahigpit na rule yan for covid cases sa Accident and Emergency (A&E) o sa doctor’s clinic.

April 25, Sabado, madaling araw. Kadalasan ay 96 to 99% ang oxygen level ng isang normal na tao. Nang tumawag ang partner nya, si Gary, sa 999 para sa ambulance, nasa 84 to 86% na lang ang level. Pagdating ng ambulance, 39.7 degrees ang temperature nya at naghahabol na sya ng hininga. Hindi  siya dinala ng mga paramedics sa hospital: “You can still talk straight, so you’ll be fine.”

April 25, gabi. Tumawag ulit si Alicia sa 111. Nabanggit nya ang earlier consultation sa 999. Dinagdag nya na hindi na siya makakain for few days at konti lamang ang ihi nya. Sinabihan sya na pumunta na this time sa A&E or tumawag sa 999. Para wala nang masyadong tanong ng paramedics, nagpahatid na si Alicia kay Gary.

Sinundo si Alicia sa labas ng A&E nang alas otso ng gabi at umuwi na si Gary. X-ray test. Blood test. Pagkatapos ng apat na oras sa stretcher bed, pinauwi sya kahit na hirap syang huminga.

Sabi ng consultant, “There’s some changes in your chest x-ray as expected due to covid19, but it’s fine. You’re a nurse so you can check your oxygen level at home. We do not want to keep you here because it is safer at home.”

Kahit anong sabihin ni Alicia na hirap na hirap na siya at gustong magpa-IV dahil wala pa siya oral intake ng ilang araw, sabi pa rin ng doctors: “You don’t need it, you’ll be fine.”

April 26, Linggo, 1 am. Tuloy ang hirap ni Alicia sa bahay. Pakiramdam nya para na siyang naghihingalo.

April 27, Lunes. Sabi nya kay Gary, “I feel like I’m dying.” Tumawag sila sa 999. Dumating ang paramedics, maraming tanong at kinausap muna ang consultant sa hospital. Desperado na sya na makatanggap ng medical help kaya sabi ni Alicia: “I exaggerated my condition just to make sure I can make it to A&E and be admitted.”

Hindi na mabilang ni Alicia ang dami ng tusok ng karayom sa kanyang mga kamay at braso for blood test dahil wala silang makuhang dugo. Paulit-ulit ang tusok. Habang dinadala si Alicia for chest x-ray, pakiramdam nya ay naghihingalo na sya sa sa stretcher bed. Mataas na temperature, sobrang sakit ng ulo, at masikip na dibdib. “Ang tindi ng hirap na dala ko,” sabi nya. Kailangan nya ng oxygen. Kailangan nya ng swero. Pero na-admit sya sa ward for close observations.

April 28, Martes. Closely monitored si Alicia ng nurses. Kinausap sya ng ICU consultant na kung hindi mag-improve ang breathing nya sa magdamag ay itatransfer sya sa ICU para ma-intubate.

“Para akong nabingi. Parang saglit na tumigil ang aking paghinga. Panginoon, have mercy on me. Patawad po sa aking pagkakasala.” At umiyak na sya habang habol ang hininga. Pero pinigil nya ang pag-iyak dahil lalo syang nahihirapang huminga.

Isip ni Alicia: “Paano na ang mga anak ko? Paano makakayanan nina Nanay at Tatay? Ano ang mararamdaman ng aking mga kapatid at mga pamangkin? Paano kakayanin ni Gary? Ang lahat ng mga nagmamahal sa akin — di ko na sila makikita. Kailangan kong mabuhay para sa aking mga maliliit na anak. Hindi ako pwedeng mamatay, ayoko pang mamatay!”

April 29, Wednesday. Ano ang pakiramdam ni Alicia habang nakikipaglaban sa covid-19? Sabi niya: “Mahirap ipaliwanag. Gusto kong huminga pero hanggang sa bibig lang umiikot ang hangin. Parang sasabog ang dibdib ko. Gusto kong huminga nang malalim pero hindi ko magawa. Mabigat ang pakiramdam ng likod ko. Ang ulo ko parang sasabog. Kapag gumalaw ako nang konti, aatakihin naman ako ng matinding dry cough na umaabot ng 30 minutes at drained ako. Ang sakit at panghihina ng kalamnan ay parang sampung beses ng may trangkaso. Naka-oxygen ako pero nasu-suffocate ako, para akong nalulunod sa lakas ng buga. Ang panlasa ko ay mas mapait pa sa apdo na binudburan ng sangkaterbang asin. Ang hirap!”

May 1, Biyernes. Nalampasan ni Alicia ang critical stage at nakalabas sya ng hospital. Narealize niya na maswerte sya. Sa loob ng dalawang linggo, dumating sya sa punto na parang gusto na nyang bumigay dahil hindi na nya kaya. Pero lumalaban sya pag naisip niya ang kanyang pamilya.

May 2, Sabado. Nagpost si Alicia ng experience nya sa Facebook at inulan ito ng comments at nashare nang 37 na beses. Nabigla ang mga kakilala nya sa Pilipinas.

Ano ang natutunan nya habang nakaratay at nasa bingit ng kamatayan? “Mahalin natin ang buhay. Alagaan natin ang ating sarili. Alisin ang lahat ng galit, alisin ang yabang, alisin ang inggit. Magpatawad, tumulong, at magmahalan.”

May bagong ningning sa mga salita ni Alicia na hindi nakita sa mga posts nya noon. May bigat ng pag-asa at pagmamahal ang mga binibitawan nya na salita. May conviction na lalong pinaigting ng karanasan nya: “Life is too short. Be kind. Be humble. Be generous. Be caring.”

Nabanggit na kaya sa kanya na maituturing syang isang himala sa gitna ng kawalang-pag-asa? Sana alam nya.


It will make our day if you share this post 😊