Ano ang Nagustuhan ko sa Bermuda?
Mary Grace Constantino Suplito in Kumusta Ka Kabayan
Sep 16, 2021 • 3 min Read
Pangatlong Yugto.
Palakaibigan ang mga local ng Bermuda, isang maliit na isla na 1,244 kilometro ang layo sa New York, USA.
Naaalala ko pa nang minsang nagmaneho ako, may kasalubong ako sa kabilang linya at binati ako. “Hi sweetheart! How are you?” Sa totoo lang hindi ko pinansin ang pagbati na iyon. At sa bawat araw kahit saan ako magpunta, laging may bumabati sa akin. Kaya naman natutunan ko na rin ang magsabi ng “Have a good one!” kahit sa mga hindi ko kakilala.
Palakaibigan naman ako sa Pilipinas pero hindi ako basta bumabati sa kung sinoman. Ngumingiti ako, oo. Pero hindi ko kayang magsabi ng “Kumusta ka?” sa taong minsan ko lang nakasalubong sa palengke. Pero dito sa Bermuda parang lahat sila magkakakilala at dahil nandito ka sa isla nila, pinapalagay kong gusto nilang maramdaman na tinatanggap ka nila bilang kaisa na rin nila.
Minsan sa pagmamadali , naiwan ko ang pitaka at cellphone ko sa basket sa grocery store kung saan ako namili. Nakauwi na ako nang napansin ko na nawawala ang mga ito. Dali- dali akong nagmaneho pabalik kung saan ako namili. Pagbaba ko sa kotse, may sumalubong sa akin na local at sinabing naiwan ko raw ang pitaka at wallet ko sa basket at ibinigay niya ito sa manager ng store.
Minsan naman ay may roommate kami na nahulugan ng pitaka habang nagmomotor. Kinaumagahan, pagbukas ng pinto, nandoon ang pitaka niya. Walang nabawas na pera at nandoon lahat ng cards at lisensya niya. Dito sa Bermuda, nakaramdam ako ng kapayapaan at katiwasayan sa paligid.
Dahil isla ang Bermuda, kahit saan ka tumingin ay may dagat. Malinis ang buhangin at hindi ka matatakot na may basag na bote kang matatapakan dahil nililinis ang mga beach dito. Tama, nakita ko ang pagmamahal at pangangalaga nila sa kapaligiran. May disipina ang mga tao at mahal nila ang kanilang isla.
Walang traffic jam sa Bermuda. Kung magkaroon man, hindi ka aabutin ng kalahating oras sa paghihintay dahil kahit may ginagawang daan, sumusunod ang tao sa traffic light. Kapag red, hihinto, kapag green tatakbo. Walang awayan sa kalsada. Hindi ka rin matatakot tumawid basta nasa pedestrian lane ka dahil kailangang pagbigyan ng driver ang mga pedestrian. Walang sumisigaw sa mga tumatawid at sa mga bikers. May disgrasya, oo, pero walang nagmumurahan. Pakiramdam ko hindi sila takot magasgasan ang sasakyan nila dahil mas mahalaga sa kanila ang pakikipagkapwa. May insurance kasi ang mga sasakyan dito kaya naman kapag may aksidente, nandyan ang insurance company. Hindi pwede ang maraming sasakyan dito. Isang bahay, isang assessment number lang ang ibinibigay ibig sabihin, isang kotse lang bawat bahay.
Napakaraming bagay at dahilan pa bakit nagustuhan ko ang Bermuda. Aminado ako na madalas kong sabihin sa sarili na sana ganito rin sa Pilipinas. Pero sabi nga, “There’s no place like home.”
Gusto ko ang Bermuda pero mahal ko ang Pilipinas.
Ang may-akda ay nagtapos ng kursong BSE Filipino sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. Sya ay naging guro sa Colegio de Imus, Woodridge College, at sa Las Pinas East National High School Talon Village Annex. Limang Taon ng OFW sa Bermuda.