Ang Aking Pamilya at Kinabukasan

Mary Grace Constantino Suplito in Kumusta Ka Kabayan

Sep 22, 20212 min Read

Ikaapat na Yugto.

Bago ako pumunta dito sa Bermuda, ang sabi ko sa sarili ko, dalawang taon lang ako rito. Babalik ako sa Pilipinas pagkatapos ng kontrata ko.  Babayaran ko lang lahat ng loans ko at pagkakautang sa mga kaibigan at babalik ako sa pagtuturo para makapagsimula muli.

Pero hindi nangyari. Ang dalawang taon ay naging limang taon.  Babalik na ba ako sa Pilipinas o may iba pa ba akong plano kahit gusto ko na sa Bermuda?

Lagi kang babalik sa bayan mo. Kaya alam kong uuwi pa rin ako sa Pilipinas, hindi pa nga lang sa ngayon. Hindi kung kailan nagsisimula na akong magkaroon ng maliwanag na larawan ng aking pagtanda habang nakikita ko rin sa larawang iyon ang aking mga anak na may maayos at kaniya-kaniya nang buhay.  

Samantala, kahit gusto ko na ang Bermuda dahil sa bukod sa malaparaiso ang kapaligiran, naibibigay ko ang pangangailangan ng aking mga anak dahil sa magandang sahod na natatanggap ko, plano ko pa rin ang lumipat sa Canada. 

Kagaya ng iba, naniniwala ako na ang Canada ay β€œLand of Opportunity.” Sa Canada maaari kong makasama ang mga anak ko habang ako ay kumikita para sa kanilang pag-aaral. Bukod doon, bilang magulang, gusto ko na sila ay magkakaroon ng ibang perspektibo at pagpipilian sa buhay.

Para sa akin, hindi  sapat ang perang kinikita natin  para magkaroon ng magandang buhay ang mga anak natin. Hindi ito ang magpupuno sa kanilang mga pangangailangan. Kailangan nila ng personal nating paggabay habang sila ay lumalaki. Kaya nang malaman ko na pwede akong mag-apply sa Canada, I grabbed the opportunity.

Salamat sa Diyos dahil bago magkaroon ng pandemya, nakapagpasa ako ng mga requirements ko para matupad ang isa ko pang nabuong pangarap. Mag-iisang taon na rin ang application ko. Ang maganda lang dito, habang hinihintay ko ang desisyon ng Immigration ng Canada, may isang taon pa rin akong kontrata dito sa Bermuda.

Kaya, hindi muna ako uuwi sa Pilipinas. Ipagpapatuloy ko muna ang pagsusulat habang nagtratrabaho dito sa Bermuda. Aba, malay ko ba, baka bago ako pumunta sa Canada ay matupad ang pangarap ko na makapag-publish ng isang aklat.  Dahil ang totoo kahit iniwan ko na ang pagtuturo, nananatili pa rin ang kagustuhan kong makapag-ambag sa larangan ng panitikan at literatura.  Pakiramdam ko kasi doon ko maaari maipagpatuloy ang pagiging guro ko.

Lahat tayo ay may mga plano para sa ating sarili at sa ating pamilya. Ang pinakamahalaga ay bukas tayo sa mas magandang planong inilalaan ng Diyos para sa atin. 


Ang may-akda ay nagtapos ng kursong BSE Filipino sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. Sya ay naging guro sa Colegio de Imus, Woodridge College, at sa Las Pinas East National High School Talon Village Annex. Limang Taon ng OFW sa Bermuda.


It will make our day if you share this post 😊