Bermuda — Paraiso at Oportunidad

Mary Grace Constantino Suplito in Kumusta Ka Kabayan

Sep 16, 20213 min Read

Pangalawang Yugto.

Nang makumpleto na ang lahat ng requirements, ipinadala ko ang mga original documents sa employer through courier dahil kailangan raw ng original copy. Pagkatapos ng halos dalawang buwan, ipinadala naman ng employer ko ang kopya ng aking work permit. Ibig sabihin, tutuloy na ako sa pag-alis ng bansa!

Magkahalong kaba at lungkot ang naramdaman ko. 

Dahil maayos ang papeles ko mula Bermuda at may plane ticket na rin ako, kailangan ko nang pumunta sa POEA para kumuha ng OEC or overseas employment certificate. Dito ko na naranasan ang hirap sa pag-aasikaso ng mga papeles. Naranasan ko ang pumila nang matagal, magutom, at antukin sa paghihintay.  Dalawang linggo akong pabalik-balik sa pagkuha ng OEC.

Dahil ako ay direct hire — ibig sabihin ay hindi ako dumaan sa anumang manning or recruitment agency — personal kong inasikaso ang aking mga papeles.  Mahirap ba? Mahirap. Noong mga panahong iyon, nasa pag-aaral na ng POEA ang pag-abolish sa mga direct hires at nais nila na ang lahat nang aalis ng bansa ay dadaan sa agency. Pero dahil hawak ko na ang work permit ko galing sa Bermuda at may ticket na rin ako, nilakasan ko ang aking loob upang magtanong at makipag-usap sa mga taong nasa likod ng Windows 1 hanggang 10 — o kung ilang windows pa mayroon doon.

Nalaman ko na hindi pwedeng i-process ang papel ko dahil kailangan munang ipadala ng employer ko ang mga papeles mula sa Bermuda sa Washington DC para matatakan ng  Philippine Overseas Labor Office (POLO). Nag-email ako agad sa employer upang sabihin iyon. Maniwala kayo’t sa hindi, sa araw ding iyon, bago ako umuwi, tinawag ako sa Window 3 dahil nai-fax ng Washington DC ang papeles ko sa POEA.

Pagbalik ko sa Window 9, doon ko na nalaman ang masalimuot na pagdadaanan ng aking mga papeles. Nais kong pasalamatan ang empleyado sa Window 9 dahil binigyan niya ako ng pag-asa na maaari akong makaalis kung kaya kong papirmahan ang mga papeles ko. Hindi ako nagdalawang isip, kinuha ko ang mga pangalan ng mga mga dapat pumirma at ang kanilang opisina.  Kinailangan pa rin ng employer ko na iparebook ang ticket ko dahil hinintay ko pa na dumating ang mga original na papeles mula Washington DC. Ang kagandahan lamang, dahil nai-fax na ang mga papeles, pinayagan na ng DOLE na i-process ang mga papeles ko.

Naging mabilis ba ang pagpapapirma? Hindi. Sa araw na ng flight ko, kasagsagan ng ulan bandang alas-dos ng hapon, ay nagpapapirma pa ako. Nagkamali pa ako ng opisinang pinuntahan. Nang maipasa ko na, bumalik ako sa POEA para doon hintayin ang fax ng DOLE kung naisama ang pangalan ko sa mabibigyan ng OEC. Halos alas singko ng hapon, tinawag ako sa Window 9 para sabihin na pwede ko nang bayaran ang OEC ko. Nang gabing iyon, natuloy ang flight ko papuntang Bermuda.

Ang may-akda ay nagtapos ng kursong BSE Filipino sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. Sya ay naging guro sa Colegio de Imus, Woodridge College, at sa Las Pinas East National High School Talon Village Annex. Limang Taon ng OFW sa Bermuda.


It will make our day if you share this post 😊