Visita Iglesia 2022 – Mga Makasaysayang at Magagandang Simbahan sa Laguna
Apr 14, 2022 • 5 min Read
Tuwing Holy Week, hindi na maiaalis sa ating mga Pinoy ang ating mga nakaugalian, at isa na nga rito ay ang Visita Iglesia. Ang sacred tradition na ito ng mga Pinoy ay ang pagbisita ng pitong simbahan para magdasal tuwing Maundy Thursday o kaya ay Good Friday. Ang ganitong kaugalian ay nagiging bonding time na rin ng bawat pamilya o kaya ng magkakaibigan.
Ngayong Visita Iglesia 2022, narito ang aming mga recommendations na maaring puntahan para sa ating taunang pagdarasal, kasabay na rin ang matuto ng kasaysayan, at ienjoy na rin ang mga tanawin na makikita sa bawat bayan na madadaanan.
1. National Shrine and Parish of San Antonio de Padua – Pila, Laguna
Ang National Shrine and Parish of San Antonio de Padua ay kinikilala bilang “First Anthonine Parish Church in the Philippines” na itinayo noong 1581. Ang simbahan ay may style na baroque architecture at ginamitan ng mga materyales na bricks, semento, at iba pa.
Sa harapan ng simbahan ay makikita na naka-display ang isa sa kasalukuyang apat na “oldest surviving bells in the Philippines.”
Pagpasok niyo sa loob ay naroon naman ang relic of St. Antony’s garment. Segurado kami na sa lugar na ito, napakasarap magdasal at mararamdaman niyo ang kapayaan sa puso.
Location: Burzagom Street, Pila, Laguna
2. St. James the Apostle Parish Church – Paete, Laguna
Napakagandang simbahan lalo na kapag nasinagan ng araw sa hapon. Ito ang aming nakita noong kami ay dumalaw sa Paete.
Ang St. James the Apostle Parish Church ay isang makasaysayang simbahan. Itinayo ang unang simbahan na gawa sa bato noong 1646. Marami pa ring bakas ng nakaraan ang makikita niyo sa loob mismo ng simbahan.
Sa kasalukuyan, may tatlong makasaysayang paintings na makikita sa loob ng simbahan, malapit lamang sa may main entrace door. Pagdating sa altar, mamamangha din kayo sa napakaraming santo na iniukit mula sa kahoy.
Sa pagdalaw niyo dito, hanapin niyo at seguraduhing magdasal ng taimtim sa imahe ng “Nakahiga na si Jesus” dahil diumano ay mapaghimala ito at bibigyan kayo ng proteksyon sa mga biyahe.
Location: Juan Tinawin Street, Barangay Nueve, Ibaba del Norte, Paete, Laguna
3. The Transfiguration of Our Lord Parish Church – Cavinti, Laguna
Ang simbahan ng The Transfiguration of Our Lord Parish Church ay ang nag-iisang Catholic church sa bayan ng Cavinti.
Itinayo ang unang simbahan na gawa mula sa bato, kasabay ang convent noong 1621. Sa kasalukuyang lugar kung saan nakatayo ang simbahan ay nakita ang imahe ni El Salvador at mas kilala na El Salvador Del Mundo (Divine Savior of the World) na minsan na rin itong mawala pero ang kamangha-mangha ay nakita ito sa lugar kung saan una itong nakita.
Tahimik ang kapaligiran sa may simbahan. Makikita niyo sa loob ang altar na tila ay mayroon ng modern design.
Location: Cailles Street, Cavinti, Laguna
4. St. Gregory the Great Parish Church – Majayjay, Laguna
Ang unang simbahan ay pinagtulong-tulongan ng mga taga-Majayjay noong 1575 at ito ay gawa mula sa nipa at bamboo. Maraming nangyari sa bayang ito at noong 1599, gumawa muli ng structure na gawa na sa bato at pinangalan kay St. Gregory the Great.
Ang altar ay may tatlong palapag at kita niyo lahat na naroon ang maraming santo. Ang floors ay mayroong tiles na azulejo at mapapansin niyo din na ang mga walls ay na-preserved kahit na may kaunting renovations.
Malalaki ang wooden doors dito at magugustuhan niyo ang kabuong structure ng simbahan. Masarap magdasal ng taimtim dito.
Location: F. Blumentritt Street, Majayjay, Laguna
5. St. John the Baptist Parish Church – Liliw, Laguna
Sa unang tingin sa simbahan, mapapansin niyo na agad ang pulang bricks at adobe na bumubuo dito.
Ang St. John the Baptist Church ay nasa gitna mismo ng bayan ng Liliw. Malapit lamang at walking distance mula sa mga hilera ng ‘tsinelas’ stores.
Ang unang structure ng simbahan ay mula sa kahoy na itinayo noong 1620. Pagkatapos ng ilang dekada, nagtayo na ng structure na gawa mula sa bato noong 1643 to 1646.
Maganda ang kabuong itsura ng simbahan. Mayroong blessed sacrament sa may side, at sa labas naman ay makikita ang white statues ng iba’t-ibang santo ng bawat barangay ng Liliw.
Location: Del Pilar Street, Poblacion, Liliw, Laguna
6. San Bartolome Apostol Parish Church – Nagcarlan, Laguna
Kung familiar kayo sa teleseryeng Kampañerang Kuba, kilala niyo na ang simbahang ito.
Ang unang simbahan ng San Bartolome Apostol Parish Church ay itinayo noong 1583 at gawa mula sa light materials. Noong 1752, mas lalong pinagtibay ang simbahan at ginamitan na ng mga bato at ang multicolored stones and bricks na mapapansin niyo sa harap ng mismo ay nagmula sa mga mamamayan ng Nagcarlan.
Very solemn sa loob ng simbahan at sa totoo lang, iba ang pakiramdam dito.
Sa harap mismo ng simbahan ay aagaw na ng atensyon ang mga wooden doors na malalaki, at pagpasok niyo , makikita agad ang mga life size na imahe nina San Bartolome.
Location: Banahaw Street, Nagcarlan, Laguna
7. San Isidro Labrador Parish Church – Calauan, Laguna
Ang San Isidro Labrador Parish Church ay itinayo noong 1860, gawa mula sa mga bricks at bato para magbigay pugay sa kanilang patron saints na sina San Isidro Labrador at San Roque.
Hindi gaano kalaki ang simbahan pero maaliwas ang kapaligiran nito.
Sa loob ng compound, makikita niyo ang maraming imahe ng mga santo at doon pa lang ay maaari na kayong magdasal. Puwede rin kayong magsindi ng kandila na makikita niyo sa may dulong side ng simbahan
Location: Silangan Poblacion, Calauan, Laguna
Ang aming mga recommendations na piniling simbahan ay seguradong may parking areas para sa mga gustong bumisita at sa totoo lang, marami pa kayong makikita sa loob mismo ng simbahan na tunay na magbibigay sa inyo ng kapayaan ngayong semana santo.
You may watch our feature on these beautiful and historical churches in Laguna at our vlog in Youtube – Ang Pinoy Channel. Here’s the link – https://www.youtube.com/watch?v=5vXT_1hp0SQ
Please don’t forget to like, share, and subscribe.
May we all have a meaningful Holy Week. God bless us all!