Bermuda — Paraiso at Oportunidad

Mary Grace Constantino Suplito, OFW in Kumusta Ka Kabayan

Sep 01, 20212 min Read

Unang Yugto.

Paano ako nakarating sa Bermuda?

Ang pagtrabaho sa Bermuda ay limang taon ko ring pinag-isipan.  Ito ay alok ng isang kaibigan na may ilang taon na ring nagtratrabaho doon. Nang ialok niya sa akin ang trabaho ng pagiging Nanny, ang sabi ko ay pag-iisipan ko. Sabi ko sa kanya na maayos naman ang kalagayan ko bilang Public School Teacher sa Pilipinas.

Maliliit pa rin ang mga anak ko at di ko kayang iwanan. Isa pa, anak kasi ako ng isang dating OFW.  Ang mama ko ay labing-siyam na taong nagtrabaho sa ibang bansa.  Umuwi siya na may sakit at siyam na buwan lang kaming nagsama pagkatapos, nagpahinga na siya. Pahingang wala nang balikan.  Kaya sabi ko sa sarili ko hinding-hindi ako aalis ng Pilipinas. Ayaw kong maranasan ng mga anak ko ang lungkot at takot na naramdaman ko noon.

Bukod pa sa dahilang iyan, may pagka-makabayan din yata ako. Masyado kong isinapuso na ako’y maglilingkod at ang makikinabang ng aking lakas at talino ay ang Pilipinas. Pero nabasa ko sa Kawikaan 16:9 na “The heart of man plans his way, but the Lord establishes his steps.”

Taong 2015, buwan ng Pebrero nang muli kaming magkausap ng kaibigan ko at sinabi niya na aalis na siya sa amo niya at naghahanap siya ng kapalit, kung gusto ko raw ba? May pag-aalinlangan pa rin ako noon bagamat pakiramdam ko na parang walang nangyayari sa lahat ng pagsisikap ko. Buwan ng Mayo, ipinasa ko ang resume sa email address na ibinigay ng kaibigan ko.  Napakabilis ng response ng employer.  Sabi sa email, kung maaari daw ba na ma-interview nila ako sa skype. Nang mga panahon na ‘yon ang nasa isip ko susubukan ko, kapag pumasa sa interview ay bahala na si Lord sa akin.  To make the story short, nakapasa ako sa interview. 

Pagkatapos ng interview ay nagsunod-sunod na ang komunikasyon namin ng naging employer ko.  Lahat ng suporta ay ibinigay nila sa akin.  Nagsimula ako sa pag-fill-in ng mga forms galing sa Immigration ng Bermuda. Inasikaso ko na ang mga papeles katulad ng pagpapa-notarize ng aking passport, pagkuha ng NBI, birth certificate ko, marriage contract, birth certificate ng aking mga anak, at medical. 

Magastos ba? Oo, pero wala akong naging problema dahil lahat ng gastos ay sinagot ng aking employer.  Pati na rin ang bayad sa pagkuha ng overseas employment certificate (OEC) at ticket.  Maging ang driving lesson ko ay binayaran nila.  Oo, buong pagtitiwala na pinadalhan nila ako ng pera para matapos ko ang pag-aasikaso sa mga papeles. 

(Itutuloy)


Ang may-akda ay nagtapos ng kursong BSE Filipino sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. Sya ay naging guro sa Colegio de Imus, Woodridge College, at sa Las Pinas East National High School Talon Village Annex. Limang Taon ng OFW sa Bermuda.


It will make our day if you share this post 😊